25 nasawi, 3.8 milyong Pinoy, nasalanta ng habagat at bagyo: NDRRMC
By MC Galang, CLTV36 News
Umabot na sa 25 katao ang nasawi dahil sa matinding epekto ng southwest monsoon o habagat, kasabay ng pananalasa ng tropical cyclones Crising, Dante, at Emong, batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, July 25.
Ayon sa NDRRMC, siyam sa mga nasawi ay mula sa Metro Manila o National Capital Region (NCR). Tatlo naman ang naiulat na nasawi sa bawat rehiyon ng CALABARZON, Western Visayas, Negros Island Region, at Northern Mindanao. Habang isang kaso ng pagkamatay ang naitala sa bawat rehiyon ng Central Luzon, Mimaropa, Davao Region, at Caraga.
Kinumpirma rin ng NDRRMC ang tatlong insidente— isang biktimang namatay dahil sa pagkakuryente sa Barangay Bayugo, Meycauayan, Bulacan; isa rin ang nasawi matapos tamaan ng bumagsak na puno sa Barangay Poblacion, Mambajao, Camiguin; at isang nasaktan nang mabundol ng bumigay na puno habang nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Matin-ao, Mainit, Surigao del Norte.
Sa kabuuan, nasa 1.7 milyong pamilya o katumbas ng 3.85 milyong indibidwal mula sa 4,255 barangay sa 17 rehiyon ang naapektuhan ng malawakang pagbaha at malakas na pag-ulan.
Sa bilang na ito, 45,522 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa 1,226 evacuation centers, habang 27,685 pamilya naman ang pansamantalang tumutuloy sa mga kamag-anak at kaibigan.
Samantala, umabot na sa 2,433 kabahayan ang naitalang partially damaged, habang 486 ang totally damaged, batay sa ulat ng disaster response teams.
Tinatayang umabot sa ₱366.9-million ang pinsalang naidulot sa agrikultura, habang ₱3.98-billion naman ang halaga ng nasirang imprastruktura sa mga apektadong rehiyon. #
