2026 National Budget, aprubado na ni PBBM

Sa gitna ng pagbubunyag ng malalaking anomalya sa kanyang administrasyon at pagkwestiyon ng publiko sa paggastos ng pondo ng bayan, pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Lunes, January 5, ang Republic Act 12314 o ang General Appropriations Act of 2026.
May kabuuang halaga na ₱6.793 trillion ang pambansang budget para sa taong ito na magsisilbing tugon sa pangangailangan ng bansa sa iba’t ibang sektor.
Subalit bago tuluyang pinagtibay, nasa ₱92.5 billion na unprogrammed items ang unang vineto ng Pangulo, na ayon sa Palasyo ay isang hakbang upang maiwasan ang posibleng pag-abuso at discretionary spending.
“The unprogrammed appropriations are not blank checks. We will not allow the unprogrammed appropriations to be misused or treated as a back door for discretionary spending. Its utilization is provided with safeguards and is only available when clearly defined… and will be released after careful validation,” ani Marcos.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni PBBM na malinaw na ipinakita ng mga pangyayari noong 2025—mula sa sunod-sunod na kalamidad, kawalang-katiyakan sa ekonomiya, hanggang sa paglalantad ng korapsyon—na hindi na maaaring ipagpaliban ang mga reporma sa pamahalaan.
“These challenges are painful but they also made one thing clear: real change could no longer wait. And so as we enter this year, let us take this opportunity to start moving forward with difficult but needed reforms in governance to rebuild our trust in us, to strengthen accountability, deliver an honest and effective government to the Filipinos,” pagbabahagi ng Pangulo.
Pinakamalaking alokasyon ng budget ang napunta sa sektor ng edukasyon na may mahigit sa ₱1.34 trillion, na ayon sa Pangulo ay gagamitin sa paglikha ng mga bagong teaching and non-teaching positions at pagtatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa.
Mahigit sa ₱448 billion naman ang napunta sa health sector upang palakasin ang universal health care, zero balance billing, disaster surveillance, at mabilis na pagtugon sa mga health emergency.
Nasa ₱129.8 billion naman ang napunta para sa PhilHealth, kung saan kabilang ang 60 billion pesos na excess funds na ibinalik alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema.
Para naman sa agriculture sector, ₱297.102 billion ang inilaan upang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda, modernisahin ang supply systems, at pondohan ang mga farm-to-market roads.
May higit ₱270 billion ding inilaan para sa social services, na layong tugunan ang pangangailangan ng vulnerable sector at itulak ang target ng administrasyon na single-digit poverty rate pagsapit ng 2028.
Kasama rin sa budget ang mas mataas na pondo para sa mga local government units, pagpapalakas ng Local Government Support Fund, at ₱15.33 billion para sa disaster rehabilitation at reconstruction sa ilalim ng NDRRM Fund.
Pinanatili rin ang pondo para sa military at uniformed personnel, kabilang ang updated base pay at mas mataas na subsistence allowance.
Sa gitna ng mga kontrobersiyang bumabalot sa pamahalaan, iginiit ng Pangulo na ang 2026 national budget ay hindi lamang listahan ng mga numero, kundi isang panata ng pananagutan.
“Naririnig po namin kayo. Sa national budget ng 2026, malinaw ang direksiyon ng inyong pamahalaan. Magiging mas masinop, mas maingat, mas responsable kami sa paggastos ng pondo ng bayan…Kasama ninyo kami sa layuning tiyakin na ang budget ng bayan ay para sa bayan,” saad ni PBBM.
###
