2026 budget deliberations, tuloy sa kabila ng bagong liderato sa Kamara: DBM
Tiwala raw ang Department of Budget and Management (DBM) na mananatiling maayos ang magiging deliberasyon ng 2026 National Budget sa kabila ng pag-upo ng bagong lider ng House of Representatives.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakasunod pa rin ang Kamara sa itinakdang legislative calendar at sinisigurong maiiwasan ang re-enacted budget.

Matatandaang nitong Miyerkules, September 17, nagbitiw bilang Speaker of the House si Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.
Ito ay upang bigyang-daan umano ang patas na imbestigasyon ng binuong Independent Commission for Infrastructure (ICI) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..

At sa parehong araw, opisyal na nanumpa bilang bagong lider ng Mababang Kapulungan si Isabela 6th District Representative Faustino “Bojie” Dy III.
Samantala, binigyang-diin ni Pangandaman na tututukan din ng DBM ang magiging epekto ng bawas sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lalo na sa target na infrastructure spending na 5% hanggang 6% ng GDP.
Nitong Lunes, September 15, pormal na inirekomenda ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagtatapyas o pag-alis ng ₱255 billion na pondo para sa mga locally-funded flood control projects ng ahensya para sa 2026. #
