2,000 new employees, target ng massive recruitment ng DPWH
Nangangailangan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng humigit-kumulang 2,000 new employees bilang bahagi ng mas pinaigting na hakbang upang ayusin ang ahensyang matagal nang nababalot ng mga isyu ng katiwalian.
Upang matugunan ito, inanunsyo ni DPWH Secretary Vince Dizon ang planong magsagawa ng malawakang campus recruitment sa mga unibersidad simula sa January 2026. Target nito na makahikayat ng mga kabataan na handang maglingkod sa gobyerno.
Hindi lamang mga engineer ang target ng Kagawaran kundi pati na rin mga accountant at iba pang espesyalista na inaasahang magdadala ng sariwang kaalaman at bagong pananaw sa loob ng ahensya.
Kabilang sa mga planong unang bisitahin ng DPWH ang University of the Philippines, De La Salle University, at Ateneo de Manila University, kung saan inaasahang personal ding makikilahok ang kalihim sa ilang aktibidad ng recruitment.
Ayon sa pamunuan ng DPWH, susi ang pagpasok ng bagong henerasyon ng mga empleyado upang mas maisulong ang reporma at mapanatili ito kahit matapos ang kasalukuyang administrasyon.
“Sa ating mga schools, hopefully you can help us really recruit people… you know, make people realize, especially the young generation, na importante silang mag-participate dito sa reporma natin. And the best way to participate in this reform effort sa DPWH is to join DPWH. That is the best way to participate,” saad ni Dizon.
“Join us in this effort,” dagdag pa ng Kalihim.
##
