2 simbahan sa Bulacan, ninakawan nitong Sabado de Gloria
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa mga ninakaw na bahagi ng imahen ni San Miguel Arkanghel sa Diocesan Shrine and Parish of San Miguel Arcangel sa Bulacan nitong Black Saturday, April 4.
Batay sa post ng naturang simbahan, nadiskubre ang pagkawala ng pakpak, kalasag, sibat, at espada ng santo na pawang mga gawa sa pilak bandang 9 AM.

Kaugnay nito, may kabuuang ₱600,000 na pabuya ang mga lokal na opisyal ng bayan para sa impormasyong makatutulong sa pagkakakilanlan ng mga suspek at pagbawi ng mga ninakaw na gamit.
Samantala, isa pang simbahan sa parehong bayan ang iniulat na ninakawan din nitong Sabado de Gloria.
Base sa Facebook post ng Parokya ng Mahal na Birheng Mapanglunas sa Brgy. Sibul Springs, tinangay ng mga hindi pa natutukoy na salarin ang kalis, ostensoryo, at krusipiho mula sa loob ng simbahan.




Nananawagan ngayon ang pamunuan ng parokya sa sinumang may kaalaman sa kinaroroonan ng mga gamit na makipag-ugnayan agad sa kanila.
Nag-alok naman si Bulacan 3rd District Representative Mark Cholo Violago ng ₱400,000 reward sa sinumang makapagtuturo sa mga magnanakaw. Bahagi rin ito ng pabuya kaugnay ng insidente ng pagnanakaw sa Diocesan Shrine and Parish of San Miguel Arcangel. #
