2 Korean fugitives, arestado sa Pampanga
Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Korean fugitive sa isinagawang operasyon sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga nitong March 25.
Ayon sa ulat, mayroong arrest warrants mula South Korea ang dalawang dayuhan na may kaugnayan sa illegal gambling at fraud.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Lee,” 45-anyos, at “Hong,” 33-anyos, kapwa Korean nationals na kasalukuyang naninirahan sa Angeles City.

Sangkot si Lee sa pagpapatakbo ng isang online gambling website noong 2023 kung saan tumanggap siya ng bilyong halaga ng Korean won mula sa mga mananaya at kumita ng malaking halaga mula sa ilegal na operasyon.
May inilabas na arrest warrant laban sa kanya ang korte sa South Korea at isinailalim din siya sa Interpol Red Notice.
Samantala, iniuugnay naman si Hong sa umano’y online betting scam na nagsimula noong 2024, kung saan ginamit niya ang social media upang manghikayat ng mga biktima sa pekeng investment scheme.
Tinatayang hindi bababa sa 15 katao ang naloko at nawalan ng kabuuang KRW 300 milyon. Lumalabas din na overstaying na siya sa bansa matapos mag-expire ang kanyang temporary visitor status. #
