2 indibidwal, timbog sa ilegal na bentahan ng cooking oil sa CSFP
Dalawang indibidwal ang naaresto sa isang establisyimento na sangkot umano sa ilegal na bentahan ng cooking oil sa Barangay Del Pilar, City of San Fernando, Pampanga.

Tinatayang halos ₱500,000 na halaga ng cooking oil products ang nakumpiska dahil sa kawalan ng rehistro at kulang sa tamang label.
Isinagawa ang operasyon sa loob ng S8 Mall sa New Public Market matapos makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa umano’y pagkalat ng mga hindi otorisadong cooking oil sa loob at labas ng lungsod.

Kasabay ng law enforcement operation, natuklasan din sa isinagawang regulatory inspection ang iba’t ibang sanitary violations. Kabilang dito ang maruming pasilidad, maling paghawak sa food products, at kakulangan sa kinakailangang dokumento.
Dahil sa mga paglabag, agad na ipinasara ang establisyimento upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa mga responsable.
Ang naturang operasyon ay ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang City of San Fernando LGU.
Paalala nila sa publiko na maging mapanuri sa mga produktong binibili at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad ng negosyo sa mga kinauukulan. #
