2 dayuhang pugante sa kani-kanilang bansa, nahuli ng Bureau of Immigration sa Angeles City
Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhang pinaghahanap ng Interpol matapos masakote sa magkahiwalay na operasyon sa Angeles City, Pampanga nitong March 31, 2025.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga suspek na sina Klaus Dieter Boekhoff, 60-anyos at isang German national, at si Ryu Hoijong, 48-anyos na Korean national. Kapwa sila may standing warrant sa kanilang mga bansa at itinuturing na mga pugante sa batas.

Ayon kay Viado, isinagawa ang mga operasyon ng BI Fugitive Search Unit (FSU) kasunod ng notice mula sa Interpol na humihiling ng tulong sa pagtugis sa mga nasabing dayuhan.
Huli sa kanyang bahay sa Barangay Malabanias si Boekhoff na may kasong multiple counts of internet fraud sa Germany. Batay sa imbestigasyon, mula pa noong 2023 ay nagpapatakbo na umano ang suspek ng mahigit 100 pekeng online store na nanloko ng hindi bababa sa 590 biktima at nagdulot ng halos 81,000 euros na combined losses. Lumilitaw na tinatanggap lamang nito ang bayad sa mga produkto nang walang intensyon na ito’y ihatid sa mga customer.
Samantala, nadakip naman sa kanyang tinutuluyan sa Timog Park Homes si Ryu Hoijong. Nahaharap siya sa kasong pagnanakaw sa South Korea dahil sa umano’y pagpuslit ng isang sasakyang nagkakahalaga ng 40-million won noong 2015 na kalauna’y inirehistro sa ibang tao at ibinenta nang iligal.
Nakatakdang ipa-deport ang dalawang dayuhan at ilalagay sa immigration blacklist, na nangangahulugang hindi na sila muling makakapasok sa Pilipinas. Sa ngayon, parehong nakakulong ang dalawa sa BI Custodial Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportasyon. #