2 contractor sa Bulacan, kinasuhan ng BIR dahil sa ghost projects
Dalawang government contractors pa ang kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sangkot sa pekeng flood control projects sa Bulacan dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng buwis.

Ayon sa BIR, nasa tinatayang ₱13.8 million ang hindi nabayarang buwis ng IM Construction Corp. at SYMS Construction Trading bunsod ng pekeng paggastos, underreported income, at maling Value-Added Tax (VAT).
Sa Barangay Sto. Rosario, Hagonoy, hindi itinayo ang isang pumping station at floodgate ng IM Construction ngunit nag-claim pa rin umano ito ng project costs at deductions.
Samantala, sa Barangay Piel, Baliuag naman, nakatanggap ng full payment ang SYMS Construction para sa river wall na hindi rin umano itinayo.
Walang aktwal na proyekto ang parehong kumpanya, kaya wala umano silang legal na basehan sa kanilang tax claims. Dahil dito, kinasuhan sila ng Tax Evasion at “Willful Failure to Supply Correct and Accurate Information” sa BIR.
Sa ngayon, may 12 kaso nang naihain sa mga anomalous flood-control projects sa bansa, na may tinatayang kabuuang tax liability na aabot sa ₱8.87 billion. #
