2 Chinese, 3 Pinoy, arestado dahil sa human trafficking; 9 na menor de edad, na-rescue
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese national at tatlong Pinoy dahil sa human trafficking. Sa sampung biktima ng mga ito na na-rescue ng ahensya, siyam ang menor de edad.

Nadakip sina Zhonggang Qui at Wenwen Qui, at tatlong Pilipinong kinilalang sina Angielyn Ramirez, Marichelle Ambrosio, at Jay Amor sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Barangay Baquioen, Sual, Pangasinan.
Ayon sa NBI, ang mga biktima ay ni-recruit mula sa Northern Samar at sapilitan umanong pinagtatrabaho, gaya ng pag-aalaga ng mga isda at pagbubuhat ng mga fish feed sa mga fish pen sa Lingayen gulf.
Natuklasan din ng ahensya na pagmamay-ari at pinamumunuan ng Chinese nationals ang fish pen operations sa lugar. Wala raw itong sapat na regulasyon at nagdudulot ng panganib sa kalikasan at mga pampublikong pasilidad.
Nahaharap ang mga naaresto sa kasong Qualified Trafficking sa ilalim ng RA 9208, pati na rin sa mga paglabag sa RA 9231 (Child Labor), RA 8550 (Fisheries Code), at RA 12022 (Economic Sabotage). #
