2 Amerikanong pedophile, hinarang sa Clark International Airport
By Rhandol Nixon Lapuz, CLTV36 News intern
Hindi pinayagang makapasok ng bansa ang dalawang American national na convicted sex offenders matapos harangin ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport noong April 4 at 8, 2025.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga banyaga na sina Jeremy Paul Beazer, 45-anyos, at Michael Antonio Rios, 54-anyos. Dumating sila sa Pilipinas sakay ng Eva Air mula Taipei, Taiwan. Kapwa hindi pinalusot ang dalawa nang mapag-alamang may record sila sa korte ng US.

Hinatulan noong 2001 si Beazer sa krimeng ‘carnal knowledge of a juvenile’ kung saan 12-anyos lamang ang kanyang naging biktima. Taong 1989 naman nang mahatulan si Rios sa kasong ‘sexual assault of a child’.
Dahil dito, agad na pinabalik ang dalawa sa kanilang port of origin at isinama sa immigration blacklist ng Pilipinas.
Dagdag ni Commissioner Viado, ikinasa nila ang nasabing operasyon upang hindi na makapang-biktima ang dalawa sa loob ng bansa. #