1st Classroom Summit, inilunsad ng DepEd para tugunan ang kakulangan sa silid-aralan

Inilunsad ng Department of Education nitong Huwebes, November 20, ang kauna-unahang Classroom Summit na layong pabilisin ang pagtugon sa kakulangan at pagkaantala sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa bansa.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, nakatuon ang inisyatiba sa mas pinatibay na kolaborasyon at pagiging bukas sa proseso ng pagpapatayo ng mga education infrastructure.
Target daw ng summit na makabuo ng malinaw na direksyon at solusyon sa mga hamon sa classroom construction. Batay sa datos ng kagawaran, umabot sa 165,000 ang classroom backlog na naitala noong 2022.
Matagal na raw itong tinutugunan ng DepEd sa pamamagitan ng mga bagong mekanismo at pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya.
Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang government agencies, LGUs, contractors at development partners upang magbahagi ng pananaw at posibleng suhestiyon para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga proyekto.
Tampok sa summit ang paglulunsad ng Strategic Resource Inventory for Deployment Efficiency o STRIDE Dashboard.
Isa itong data-based tool na gagamitin ng DepEd field offices para mas maayos na matukoy ang pangangailangan sa silid-aralan, enrollment, staffing, at iba pang imprastraktura.
Kasama rin sa mga aktibidad ang mga konsultasyon sa contractors at supplier, gayundin ang mga session tungkol sa accreditation, climate-resilient designs at financing options para sa mga proyektong pang-edukasyon.
Nabigyan din ng pagkakataon ang stakeholders na suriin ang mga classroom prototype at talakayin ang kanilang kapasidad sa pagpapatayo ng mga gusali bilang paghahanda sa mas flexible na infrastructure program ng DepEd sa 2026. #
