18 Pinoys, pasok sa Forbes Billionaires List
Tumaas sa 18 mula 16 noong nakaraang taon ang bilang ng mga Pilipinong kabilang sa listahan ng mga bilyonaryo sa Pilipinas, batay sa pinakabagong listahan ng Forbes.

Nananatili sa unang pwesto ang magkakapatid na Sy ng SM Group kahit na bumaba ang kanilang yaman nang $1.2 billion. Sa kabila nito, nanatili ang kanilang net worth sa $11.8 billion.
Pumapangalawa naman si Enrique Razon, Jr. na may-ari ng International Container Terminal Services. Nakapagtalaga siya ng net worth na $11.5 billion.
Pangatlo pa rin ang property tycoon na si Manny Villar na may $11 billion, kasabay ng pag-rebrand ng kanyang Golden MV Holdings bilang Villar Land Holdings.
Itinuturing naman na may pinakamalaking porsyento ng pag-angat ang mag-asawang Dennis Anthony at Maria Grace Uy ng Converge ICT Solutions, na tumaas nang 74% ang kanilang yaman. Bunsod ito ng paglakas ng kumpanya dahil sa pagpapalawak ng internet access ng pamahalaan. Nasa $1.6 billion ang net worth nila na nasa 16th spot.
Samantala, si William Belo ng Wilcon Depot ang nagtala ng pinakamalaking porsyento ng pagbaba ng yaman sa 40%. Nasa $520 million ang kanyang net worth na naglagay sa kanya sa 29th spot. #
