1,619 na lugar sa bansa, nasa areas of concern ng Comelec ngayong eleksyon
Naglabas ang Commission on Elections (Comelec) nitong Martes, March 18, ng paunang listahan ng mga lugar na itinuturing na “areas of concern” para sa halalan sa May 12.
Ayon sa komisyon, may kabuuang 1,619 na lugar sa bansa ang nasa listahan, na kinakailangang bantayan upang matiyak ang maayos at mapayapang eleksyon.

Hinati sa apat na kategorya ang mga lugar: “red” para sa kritikal na sitwasyon, “orange” para sa malubha, “yellow” para sa may record ng karahasan, at “green” naman sa mga mapayapa at maayos.
Sa ilalim ng red category, 36 na lugar ang nasa pinakamataas na alert level, kung saan 30 ay matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), habang tig-iisa sa Isabela, Masbate, Samar, at Lanao del Norte. Dalawa naman ang nasa Negros Oriental.
156 na lugar naman ang kabilang sa orange category. Bagama’t mataas pa rin, mas mababa naman ito kumpara sa datos noong Enero na may 177 na lugar sa parehong “red” at “orange” classifications.
Tumaas naman sa 194 mula sa dating 188 ang mga lugar sa ilalim ng “yellow” category.
Samantala, lumobo rin ang mga lugar na nasa “green” category—mula 1,239 noong Enero umakyat ito sa 1,256, na nangangahulugang mas marami ang itinuturing na payapa at maayos para sa halalan.
Kaugnay nito, patuloy ang ginagawang pag-monitor ng Comelec sa seguridad ng mga lugar sa bansa upang matiyak ang maayos at ligtas na 2025 Midterm Elections. #