16 LGU sa Tarlac, sumunod na sa 4-day workweek para sa energy conservation
By Reyniela Tugay, CLTV36 News
16 sa kabuuang 17 munisipalidad sa Tarlac, kasama na ang Tarlac City, ang nagpapatupad ng 4-day compressed workweek para sa kanilang mga empleyado.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 na inilabas ng Office of the President, na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng mga hakbang para sa energy conservation.
Kaugnay nyan, inilatag ng mga lokal na pamahalaan ang kani-kanilang work schedules.
Sa bayan ng San Jose, ang oras ng trabaho ay simula 8 AM to 7 PM, Lunes hanggang Huwebes.
Ang Concepcion naman ay mula 7 AM to 6 PM, Martes hanggang Biyernes, na ipapatupad sa susunod na linggo.
Ang Tarlac City, Camiling, at Paniqui ay tuwing 7 AM to 6:30 PM, Lunes hanggang Huwebes.
Habang ang Anao, Bamban, Capas, La Paz, Mayantoc, Moncada, Pura, Ramos, San Clemente, Sta. Ignacia, at Victoria ay may schedule na 7 AM – 6 PM, Lunes hanggang Huwebes.
Ang Gerona ay 8 AM – 5 PM tuwing Lunes hanggang Huwebes at work-from-home naman tuwing Biyernes.
Ayon sa mga opisyal, ang mga frontline at essential services ay hindi kasama sa compressed workweek at patuloy na operational upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Samantala, bagama’t may Facebook page na nagsasabing nag-adopt na rin ang San Manuel ng 4-day workweek, wala pa namang opisyal na anunsyo mula sa kanilang lokal na pamahalaan. #
