150 Pinoy sa Israel, humihiling ng repatriation; Philippine Embassy sa Iran, naka-high alert
Umabot na sa 150 ang bilang ng mga Pilipinong humihiling ng repatriation sa Israel bunsod ng lumalalang tensyon laban sa Iran.
Ayon sa ulat ng Philippine Embassy in Israel, sa ngayon, 26 pa lamang ang kumpirmado at kasalukuyang pinoproseso para sa pagpapauwi.
Sa mahigit 30,000 Pinoy sa Israel, na kadalasan ay nagtatrabaho bilang mga caregiver o di kaya naman ay sa hotel industry, nasa 49 ang nawalan ng tirahan dahil sa mga missile strike ng Iran.


Ayon sa Embahada, pansamantala silang nanunuluyan sa evacuation shelters, kasama ang isang bagong silang na sanggol na ipinanganak nito lamang June 10.
Samantala, binisita naman ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola ang 18 Pilipinong inilikas matapos tamaan ng missile ang hotel na kanilang pinagtatrabahuhan.


Aniya, ligtas naman ang lahat matapos agad na makapasok sa isang bomb shelter. Dahil sa mga naranasang trauma, isasailalim sila sa psychosocial counselling sa mga susunod na araw.
Sa kabuuan, nasa 63 Pinoy na ang nabigyan ng tulong ng Embahada gaya ng temporary shelter, pagkain, damit, at mga hygiene supply.


Tiniyak din ng Embahada na 24/7 ang kanilang operasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga kababayang apektado ng kaguluhan.
Sa Iran naman, pinaaalalahan din ng Philippine Embassy ang mahigit 1,000 Pinoy na naroon na manatiling alerto at maghanda ng emergency “go bag” habang patuloy ang girian ng dalawang bansa. #
