14 na indibidwal, timbog sa cyber scam hub sa Pampanga
Arestado ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 14 na indibidwal matapos madiskubre at mabuwag ang isang umano’y cyber-financial scam hub sa Clark Freeport Zone, Pampanga nitong Sabado, February 21.
Ayon sa NBI, pangunahing target ng sindikato ang mga retirado at iba pang itinuturing na ‘vulnerable citizens.’ Ginagamit umano ng grupo ang pekeng investment offers upang makuha ang personal na datos ng mga biktima.
Sa kanilang modus, hinihikayat ang mga target na mag-click ng phishing links na naglalaman ng mapanlinlang na impormasyon. Kapag nakumbinsi, ipapadeposit sa kanila ang malaking halaga sa isang pekeng online platform bago tuluyang mawalan ng access sa kanilang pondo.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan ng NBI sa Clark Development Corp. Security Services Group, alinsunod sa search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 132 ng Makati City para sa pagsusuri at pagsamsam ng computer data.
Nakumpiska sa raid ang iba’t ibang electronic evidence tulad ng high-end computers, smartphones, maraming SIM cards na ginagamit sa komunikasyon ng panlilinlang, at mga talaan na naglalaman ng personal na impormasyon ng mga posibleng biktima.
Kasalukuyang sumasailalim sa inquest proceedings ang mga naaresto dahil sa umano’y paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Financial Account Scamming Act, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng operasyon at iba pang posibleng kasabwat. #
