13 luxury cars ng Discaya couple, ipapa-auction ng Customs

Nakatakdang ipa-auction ng Bureau of Customs (BOC) sa November 15 ang 13 luxury cars na nakumpiska mula sa mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya dahil sa umano’y ilegal na pag-import sa mga ito.
Ayon kay BOC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, ligtas na gamitin ang mga sasakyan at bibigyan din ng kaukulang sertipikasyon ang mga lehitimong makabibili sa auction upang hindi magkaroon ng problema sa paggamit.

Tinatayang aabot sa ₱100-million hanggang ₱200-million ang maaaring makolekta ng pamahalaan kapag nabili ang lahat ng sasakyan, kabilang ang ilang high-end SUVs.
Dagdag pa ni Maronilla, mapupunta ang kikitain sa mga proyektong prayoridad ng pamahalaan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng BOC na mapataas ang kita ng gobyerno mula sa mga nakumpiskang kontrabando.
Matatandaang napasakamay ng Customs ang mga sasakyan matapos mabigong patunayan ng mag-asawang Discaya na legal ang pagpasok ng mga ito sa bansa batay sa kanilang mga dokumento. #
