12% VAT sa foreign digital services sa bansa, ipapataw simula June 1
Epektibo na simula sa June 1, 2025 ang 12% value added tax (VAT) sa lahat ng foreign digital services na mayroon sa bansa.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 12023 o ang “Value Added Tax on Digital Services Law” na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong October 2, 2024.
Sa kanyang paglagda, nilinaw na ni PBBM na layon ng naturang batas na gawin umanong patas ang buwis para sa lahat ng negosyo, lokal man o dayuhan, na kumikita sa merkado ng Pilipinas.
Sa ilalim ng batas, binibigyan ng kapangyarihan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na mangolekta ng VAT mula sa iba’t ibang foreign digital service providers sa bansa. Sakop ng buwis ang mga nasa digital media, digital music, digital video games, video-on-demand, at mga digital ad.
Ilan sa mga kilalang platforms na maaaring maapektuhan ay ang Netflix, Spotify, Amazon, at Lazada.
Kaugnay nito, inanunsyo ng Netflix ngayong Martes, May 6, na magpapatupad sila ng dagdag-presyo sa kanilang mga subscription plan sa bansa simula sa June 1, 2025 dahil sa epekto ng bagong VAT.
Samantala, hindi naman sakop ng batas ang digital educational services gaya ng online courses at webinars mula sa mga pribadong institusyon, pati na rin ang mga subscription-based services para sa mga eskwelahang kinikilala ng mga ahensya ng gobyerno. #
