10 LGUs sa Central Luzon, kinilala para sa early completion ng SGLG projects
Muling pinatunayan ng ilang lokal na pamahalaan sa Central Luzon ang kahusayan sa pamamahala matapos ianunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Top 10 Local Government Units na unang nakakumpleto ng mga proyektong pinondohan sa ilalim ng Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) sa buong bansa para sa Fiscal Year 2024.
Ito na ang ikatlong sunod na taon na kinilala ang rehiyon sa maagang pagpapatupad ng mga proyektong may direktang benepisyo sa mga mamamayan.

Sa nasabing pagkilala, dalawang bayan mula sa lalawigan ng Pampanga ang kabilang sa top performers. Nasa 1st place ang bayan ng Apalit na kaagad natapos ang Phase 2 ng kanilang “Construction and Installation of Street Lights” project sa Government Complex. Habang rank 5 naman ang Minalin para sa kanilang “Installation of Solar Street Lights”.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang LGU sa Gitnang Luzon. Sa probinsya ng Bataan, ang bayan ng Bagac na nasa 2nd place ay natapos din ang paglalagay ng solar streetlights sa Brgy. Banawang, habang ang Pilar na rank 7 ay nakumpleto ang pag-install ng CCTV System sa kanilang Modern Palengke.
Mula naman sa Bulacan, 3rd place ang bayan ng Sta. Maria na isinakatuparan ang “Installation of Streetlights” project sa Brgy. San Jose Patag, habang ang Paombong sa 4th place ay nag-procure o nakakuha ng medical equipment na ultrasound machine.
Ang bayan ng Moncada sa Tarlac ay pumwesto naman bilang rank 8 matapos makapagbukas ng local access road sa Camangaan West Farm-to-Market Road.
Bukod sa mga nabanggit, dalawang bayan pa sa Zambales ang napabilang sa Top 10. Ito ang San Marcelino na tinanghal na rank 6 matapos ang procurement ng kanilang bagong mobile patrol vehicle, at San Felipe sa ikasiyam na pwesto makaraang magtayo ng isang Vermicomposting Facility.
Ang bayan naman ng Gabaldon sa lalawigan ng Nueva Ecija ang nasa 10th place matapos makumpleto ang installation ng kanilang solar street lights.
Ayon sa DILG Central Luzon, ang sunod-sunod na pagkilalang ito ay patunay sa masigasig na pagtugon ng mga LGU sa layunin ng SGLG program. Sa ilalim ng kanilang kampanyang, #TRESTHEBEST, patuloy na isinusulong ng rehiyon ang isang tapat, mabilis, at epektibong pamumuno sa lokal na pamahalaan. #
