₱807-K halaga ng marijuana, nakumpiska sa loob ng ‘Labubu’ toys
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang nasa 538 grams ng high-grade marijuana o “Kush” na ipinadala mula Hong Kong patungong Biñan, Laguna.
Nakalagay ang droga sa parcel na may label na “keychains” na tinatayang nagkakahalaga ng ₱807,000.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang dalawang kahon ng “Labubu” keychains na naglalaman ng dried leaves at fruiting tops na tinukoy bilang high-grade marijuana.

Napansin ang kahina-hinalang package noong November 15 sa pamamagitan ng X-ray inspection ng BOC. Dahil sa kakaibang imahe sa scan, agad itong ininspeksyon ng mga opisyal.
Kasunod nito, nagsagawa ng K-9 sniff test ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong November 19, na nagpatunay na may ilegal na droga sa loob ng package.
Kinumpirma ng PDEA sa chemical analysis na ang nilalamang substance ay aktibong sangkap ng marijuana at isang delikadong droga sa ilalim ng batas.
Nag-issue na ng Warrant of Seizure and Detention ang mga otoridad para sa shipment dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act. Kaugnay ito ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #
