₱77-B pondo ng CDC, ilalaan sa konstruksyon at pagpapaunlad ng ekonomiya sa Clark
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern

Nakalikom ng tinatayang ₱77-bilyong halaga ng investment ang Clark Development Corporation (CDC) para sa taong 2024.
Ito ang inanunsyo ni CDC President at CEO Atty. Agnes VST Devanadera sa Philconstruct Luzon 2025 Business-to-Business (B2B) Night na ginanap sa Best Western Plus Metro Clark, Angeles City nitong Miyerkules, April 3.
Ayon kay Devanadera, 60-70% ng pondong ito ay ilalaan sa construction projects sa mga susunod na taon na inaasahang magpapalakas sa iba’t ibang industriya at susuporta sa local at foreign investors.

Dagdag pa niya, malaki ang papel ng sektor ng konstruksyon sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga tao at sa pagpapalago ng ekonomiya. Makatutulong din ito sa pagbaba ng poverty rate sa Pampanga na ngayon ay nasa 2.9%.
Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang mga negosyante na magtungo sa Clark Freeport Zone para sa mga iniaalok nitong oportunidad sa negosyo. Kasabay nito, nangako rin siya na magbibigay ng suporta ang CDC sa mga interesadong mamumuhunan.
Ibinida ni Devanadera ang tagumpay ng Clark sa turismo kung saan dalawang beses na itong kinilala bilang region’s top tourist destination.
Ang Philconstruct Luzon 2025 ay inaasahang magtatapos sa Sabado, April 5. Layunin nitong palakasin ang ugnayan ng industriya ng konstruksyon para sa mas progresibong ekonomiya. #