₱7.6-M halaga ng ecstasy mula Europa, nasamsam sa Port of Clark
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3 ang isang parcel na naglalaman ng 4,491 piraso ng ecstasy tablets sa Port of Clark hatinggabi nitong Miyerkules, April 2.
Ang nasabing kargamento na nagmula sa Europe ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱7.6-million.

Ayon sa PDEA 3, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa PDEA International Cooperation and Foreign Affairs Service tungkol sa isang kahina-hinalang parcel na papasok sa bansa mula sa Belgium.
Agad ipinasa ng PDEA Intelligence Service ang impormasyon na nagresulta sa pagkakumpiska ng mga ilegal na droga.
Ininspeksyon ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang kargamento at kinumpirma na naglalaman ito ng ecstasy matapos magpositibo sa field test.
Ipapadala ang mga ilegal na droga sa PDEA 3 laboratory para sa kaukulang forensic examination. #