₱57.9-B halaga ng iligal na droga, nakumpiska sa ilalim ng Marcos admin: PDEA
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Tinatayang nasa ₱57.9-billion na ang kabuuang halaga ng iba’t ibang iligal na droga na nasamsam mula nang ipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang anti-drug campaign, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Magmula ito noong July 1, 2022 — dalawang araw matapos siyang opisyal na manumpa bilang Pangulo ng bansa — hanggang February 28, 2025.
Batay sa ulat ng PDEA, ang halagang ito ay binubuo ng 7,379 kilo ng shabu, 89.19 kilo ng cocaine, 127,394 piraso ng ecstasy tablets, at 7,123 kilo ng marijuana na nasabat mula sa 100,731 drug operations na ikinasa ng mga otoridad.

Sa bilang na ito, 136,051 na ang naarestong drug suspects, kung saan 8,709 mula rito ang itinuturing na high-value targets.
Kaugnay nito, 29,390 barangays na ang idineklarang “drug cleared” matapos ang higit dalawang taong operasyon.
Matatandaang ipinangako ni PBBM sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon na ipagpapatuloy niya ang pagsugpo sa mga ipinagbabawal na gamot nang walang dumadanak na dugo. #