₱4-M halaga ng counterfeit pesticide at fertilizer, nasabat sa Maynila
Nasabat ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) at Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (CIDG-NCR) ang nasa ₱4-million na halaga ng mga peke at hindi rehistradong fertilizer at pesticide products mula sa isang commercial establishment sa Maynila nitong Biyernes, May 30.

Aabot sa 9,800 unit ng iba’t ibang pataba at pestisidyo ang nakumpiska ng mga otoridad kabilang ang Axonic, Sapphire, at Chlonil, mga libo-libong sachet ng bio-stimulant na Nutrinaro SC, at ilang sako ng produktong Welzeb na lahat ay hindi rehistrado sa FPA.
Lumabas sa imbestigasyon na nire-repack ang mga produkto para magmukhang imported at malinlang ang mga mamimili. Napag-alaman ding paso na ang lisensya ng kumpanyang WLEX na responsable sa distribusyon.
Ayon sa FPA, nagsimula ang operasyon matapos silang makatanggap ng pormal na reklamo laban sa WLEX Company na sangkot sa iligal na distribusyon ng agricultural inputs. Sa isinagawang raid, nadiskubreng ginagamit ang establisyemento bilang taguan at imbakan ng mga produktong walang rehistro at lisensya.
Lumabas din sa pagsisiyasat na tanging isang produkto lamang ng WLEX—ang Norinano Plus Soil Conditioner—ang naka-register sa ahensya, na epektibo hanggang February 4, 2027. Ang iba pa nilang produkto ay itinuturing na iligal at mapanganib gamitin.

Iginiit ni FPA Executive Director Glenn Estrada na ang ganitong uri ng pamemeke ay hindi lamang labag sa batas kundi may direktang banta rin sa kalusugan ng lupa at ani ng mga magsasaka.
Hinikayat niya ang publiko na maging mapanuri at makipag-ugnayan sa FPA Alert Lines para tiyakin na lehitimo at ligtas ang produkto.
Ang mga nakumpiskang produkto ay nasa kustodiya na ng Department of Agriculture (DA) para sa ligal na dokumentasyon at ebidensya. Patuloy naman ang imbestigasyon dito at inaasahan ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot. #
