₱225-B flood control fund sa 2026, ililipat sa education at health sector
Plano raw ilipat ni President Ferdinand Marcos, Jr. ang mahigit ₱225 billion na pondong nakalaan sana para sa flood control projects sa 2026 National Budget, patungo sa sektor ng edukasyon at kalusugan.
Paliwanag ng Pangulo, hindi na kailangan ng bagong alokasyon para sa flood control dahil hindi pa umano nagagamit nang buo ang ₱350 billion na inilaan para dito ngayong 2025.
Dagdag niya, mga foreign-assisted flood control project lamang ang mananatili na aabot sa ₱50 billion. Aniya, mas makabubuting ilaan ang malaking pondo sa mas nangangailangan ng dagdag na suporta gaya ng mga ospital at paaralan.
Batay sa ulat ng Department of Budget and Management o DBM, halos nailabas na ang lahat ng pondo para sa 2025, at tinatayang higit ₱285 billion na lamang ang hindi pa naibibigay sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Nauna nang ipinag-utos ng Pangulo sa DBM at Department of Public Works and Highways o DPWH na rebisahin ang panukalang budget ng kagawaran para sa 2026, upang matiyak na walang anomalya o tinatawag na “insertions” sa kanilang mga proyekto. #
