₱216-M halaga ng fake footwear, nasabat sa isang warehouse sa Apalit
Umabot sa tinatayang ₱216.305 million na halaga ng umano’y fake branded footwear ang nasamsam ng mga otoridad sa isang warehouse sa bayan ng Apalit, Pampanga, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ipinatupad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Pampanga Provincial Field Unit ang search warrant noong February 26 matapos ang ulat tungkol sa iligal na produksiyon ng counterfeit footwear sa lugar.
Isinailalim agad sa imbentaryo ang mga kagamitan at produkto sa mismong lugar matapos ang operasyon.
Kabilang sa mga nakumpiska ang 181 na kahon ng pekeng rubber footwear, 30 sako ng rubber resin raw materials, apat na set ng heavy machinery na ginagamit sa produksiyon, at iba’t ibang dokumento ng negosyo.
Batay sa imbestigasyon, lumabag umano ang operasyon sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Hindi naman naabutan ang babaeng suspek na si alyas “Geraldine” na nakasaad sa search warrant, kaya patuloy ang follow-up operations para sa kanyang pag-aresto.
Samantala, nakatakdang isailalim sa tamang disposal ang mga nakumpiskang fake products sa isang accredited waste management facility. #
