₱20,000 Service Recognition Incentive para sa mga guro, ipinatutupad ni PBBM ngayong Disyembre
Ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos, Jr. ang pagsasanib-puwersa ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd) upang madagdagan ang Service Recognition Incentive (SRI) ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Ito raw ay bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kabataang Pilipino.
Kaugnay nito, layunin daw ng gobyerno na itaas ang SRI ng mga tauhan ng DepEd at gawing ₱20,000 mula sa dating ₱18,000.
Tinatayang aabot sa 1,011,800 ang makikinabang sa naturang insentibo.
Ang SRI ay isang annual financial incentive na ibinibigay sa mga kawani ng gobyerno dahil sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa publiko.
Inatasan ng Pangulo ang dalawang ahensya na magtulungan sa paghahanap ng mga paraan para sa implementasyon ng increase sa SRI ngayong December 2024.
Gayunpaman, kailangan rin daw isaalang-alang o timbangin ang mga responsibilidad ng gobyerno sa pamamahagi ng budget upang matiyak na hindi ito lalabag sa mga patakaran ng pondo ng gobyerno habang ipinatutupad ang SRI increase.
Samantala, nagpasalamat naman si DepEd Secretary Sonny Angara sa naturang kautusan. Malaking tulong daw ito para maiangat ang moral ng mga guro sa bansa.
“This initiative underscores our shared goal of empowering teachers and reinforcing their critical role in shaping the future of Filipino learners,” pahayag ni Angara.
Asahan daw ang karagdagang anunsyo ukol sa detalye at timeline ng implementasyon ng SRI increase habang fina-finalize pa ng DBM at DepEd ang kanilang funding mechanisms.
##