₱20/kilo na bigas, tiniyak ni PBBM na magpapatuloy sa ilalim ng “BBM Na” Program
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kayang mapanatili ang ₱20 kada kilo na halaga ng bigas sa ilalim ng programang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na,” kasunod ng positibong pagtanggap ng publiko rito, base sa report ng Philippine News Agency.
Sa isang panayam bago bumalik sa Pilipinas mula Kuala Lumpur, Malaysia para sa 46th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, sinabi ng Pangulo na may kasalukuyang negosasyon ang kanyang administrasyon sa ilang bansa upang mapanatiling mababa ang presyo ng bigas hanggang matapos ang kanyang termino sa 2028.
Aniya, hindi ito naipatupad noon dahil sa umiiral na sistema at mataas na presyo ng bigas, ngunit ngayon ay nakahanap na umano sila ng paraan upang maisakatuparan ito.
Nilinaw din ng Pangulo na hindi ito isang palabas o paraan ng pagpapakitang-gilas, kundi isang seryosong hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga sektor na higit na nangangailangan. Giit niya, bukod sa pagbebenta ng murang bigas, sinisiguro rin ng gobyerno na tumatanggap ng makatarungang presyo ang mga magsasaka upang hindi sila malugi.
Sa kasalukuyan, mayroong 38 Kadiwa ng Pangulo sites sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA kung saan makabibili ng ₱20/kilo na bigas ang mga kwalipikadong benepisyaryo tulad ng mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, Persons with Disabilities (PWDs), at solo parents.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ipatutupad ang programa sa tatlong yugto ngayong taon para mapalawak ito sa buong bansa. Dagdag pa ng Kagawaran, posible ring maisama ang mga minimum wage earner sa listahan ng mga benepisyaryo sa mga susunod na buwan. #
