₱20 bigas, sinimulan nang ipamahagi sa transport sector
By Ashley Punzalan, CLTV36 News

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Angeles City ang pamamahagi para sa rollout ng ₱20 na bigas sa ilalim ng “Benteng Bigas Meron Na” (BBM Na) Program para sa Public Utility Vehicle (PUV) drivers ngayong Martes, September 16, sa Public Transport Regulatory Office (PTRO) area ng Angeles City Hall compound.
Ayon sa PTRO, prayoridad muna ang jeepney drivers ngayong araw at iaanunsyo na lamang ang susunod na schedule para sa iba pang benepisyaryo mula sa mga TODA at JODA.
Gayunpaman, nauna nang binanggit ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II na nais niyang maging maayos at mabilis ang paraan ng pamamahagi ng BBM rice, kaya’t isinasaalang-alang niya ang isang zoning-based approach upang mas maging madali ang pamamahagi para sa mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng programa, maaaring makabili ang mga kuwalipikadong tsuper at operators ng hanggang 10 kilo ng bigas sa subsidized price.
Samantala, kabilang ito sa nationwide rollout ng BBM Na para sa mahigit 57,000 na manggagawa sa pampublikong transportasyon mula sa limang pangunahing siyudad sa bansa, kabilang ang Angeles City, Navotas City, Cebu City, Tagum City, at Quezon City. #
