₱11-M na pinsala sa Pag-asa coral reef, dulot ng pagsadsad ng Chinese vessel

Tinatayang nasa ₱11.1 million ang naitalang pinsala sa Pag-asa Reef 1 matapos ang pagsadsad ng isang Chinese maritime vessel.
Ito ang inanunsyo ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) sa isang press conference nitong Lunes, July 14.
Matatandaang noong June 7 nang suyurin ng barko ng Tsina ang mayamang karagatan na may 2.6 nautical miles ang layo sa Pag-asa Island.
Ayon pa sa PCSD, nangyari ang insidente sa loob ng protected area sa ilalim ng Republic Act 7611 o ang Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan Act. Ibig sabihin, walang kahit anuman umanong human activity ang pinahihintulutan sa nasabing area.
Ikinababahala ngayon ng pamahalaan ang magiging epekto ng pagkasira ng mga coral reef sa biodiversity at maging sa kabuhayan ng mga mangingisda. Iminungkahi na ng PCSD ang pagpapataw ng ₱11.1 million na penalty sa Chinese vessel na may bow number 16868. #
