₱1.39-M halaga ng shabu, nasamsam sa 5 high-value drug suspects sa Central Luzon
By MC Galang, CLTV36 News
Limang high-value drug suspects ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Central Luzon Police nitong July 3 at 4.

Nakumpiska sa kanila ang mahigit 200 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.39-million.
Sa City of San Fernando, Pampanga, nahuli ng Drug Enforcement Unit ng San Fernando City Police sina alyas “Edwin,” “Maine,” at “Bentaks” sa Barangay Cutud. Na-recover sa kanila ang 75 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit ₱500,000.
Sa parehong araw, isinagawa rin ang buy-bust operation ng Balagtas Municipal Police Station sa Barangay Borol 1st, Bulacan, kung saan nahuli si alyas “Jasper”. Nakuha mula sa kanya ang 50 gramo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱340,000.
Samantala, madaling araw ng July 4, nadakip naman si alyas “Buboy” sa Barangay Bayan, Orani, Bataan sa joint operation ng Orani Municipal Police at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 3. Nasamsam sa kanya ang 80 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱544,000.
Lahat ng mga suspek ay haharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #
