₱1.371-M halaga ng marijuana, tinangkang ipuslit bilang condiments
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang aabot sa 914 grams ng high-grade marijuana na mula sa isang shipment ng mga assorted item na dumating sa bansa mula Bangkok, Thailand.
Nag-ugat ang pagkakasamsam sa mga iligal na droga na may estimated value na ₱1,371,000 sa impormasyon na nagmula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung kaya’t nagsagawa ang mga examiner ng isang full physical examination sa dumating na kargamento sa airport.

Lumabas sa eksaminasyon na ang bagahe, na idineklarang “Food Spices, Condiments, and Groceries” sa Customs, ay naglalaman ng 26 na pakete ng powdery substance at apat na pakete ng dried leaves at fruiting tops.
Dinala ng otoridad ang mga nakuhang sample sa PDEA para sa isang chemical analysis at doon nakumpirma na ‘tetrahydrocannabinol’ o marijuana ang laman ng shipment.
Kasunod nito, naglabas ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #