₱100-M na halaga ng smuggled na gulay at isda, nasabat sa Port of Subic
Sampung container van na puno ng misdeclared na gulay at isda mula China ang nasabat ng Bureau of Customs o BOC sa Port of Subic nitong Martes, July 8.
Tinatayang nasa ₱100 million ang halaga ng mga produktong naharang sa koordinasyon ng Department of Agriculture (DA) at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Sa halip na “chicken lollipops” o “chicken poppers” na nakasaad sa deklarasyon, tumambad sa inspeksyon ang mga kontrabandong carrots, puting sibuyas, at frozen mackerel mula China.



Malinaw umano itong pagtatangka ng smuggling para makalusot sa buwis at regulasyon, ayon sa BOC.
Sa report ng ahensya, 52 containers ang una nang na-flag para sa pagsusuri. Dalawampu’t isa rito ang pinayagang mailabas matapos beripikahin ng DA, habang nananatili pa rin sa kustodiya ng BOC ang natitirang 31 containers, kabilang ang mga naglalaman ng illegal agricultural products.
Mariin namang kinondena ng mga opisyal ang smuggling, na anila’y banta sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at panganib sa kaligtasan ng mga mamimili.
Kaugnay nito, naglabas na ang Port of Subic ng warrants of seizure and detention laban sa mga nasabat na shipment at inihahanda na rin nila ang mga kasong isasampa laban sa mga responsable.
Iginiit naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na mananatiling matatag ang ahensya sa pagtugis sa mga smuggler at sa pagpapatupad ng batas bilang bahagi ng adbokasiya ng kasalukuyang administrasyon na palakasin ang food security at sugpuin ang agricultural smuggling sa bansa. #
