₱1.6-M unregistered drinks, nakumpiska sa isang bodega sa San Simon
Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit ₱1.6 milyong halaga ng mga inuming walang kaukulang rehistro sa Food and Drug Administration (FDA) sa isang operasyon sa Barangay San Pablo Libutad, San Simon, Pampanga nitong Lunes, January 19.

Ayon sa PNP, sinalakay ang bodega matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y malawakang paggawa at distribusyon ng mga produktong hindi rehistrado.
Kabilang sa mga nakumpiska ang mahigit isanlibong kahon ng energy drinks at higit tatlong libong kahon ng chocolate milk drinks.
Limang Chinese national ang inaresto dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na operasyon, habang patuloy pang tinutugis ang isa pang indibidwal na sangkot sa naturang aktibidad.
Binigyang-diin ng PNP na layon ng operasyon na maprotektahan ang kalusugan ng mga mamimili at mapigilan ang pagkalat ng mga produktong hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng mga otoridad.
Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na maging mapanuri sa mga binibiling pagkain at inumin at tiyaking may FDA registration ang mga ito upang maiwasan ang posibleng panganib sa kalusugan.
Nasa kustodiya na ng kapulisan ang mga nakumpiskang produkto habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek, alinsunod sa FDA Act of 2009 at sa mga probisyon sa Philippine Immigration Act. #
